Nasakote ang tatlong drug suspect matapos mahulihan ng Php1.9 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng awtoridad sa Purok 3, Barangay San Vicente, Banga, South Cotabato nito lamang ika-14 ng Enero 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Arnold P Ardiente, Acting Regional Director ng Police Regional Office (PRO) 12, ang mga nasakoteng suspek na sina alyas “Kevin”, 30, tinuturing na High Value Individual, alyas “Angel”, 25 na parehong residente ng Brgy. Namnama, Koronadal City at si alyas “Jann”, 25-anyos na residente naman ng Brgy. Yangco, Banga, South Cotabato.
Inaresto ang mga suspek sa pangunguna ng Banga MPS katuwang ang iba pang operatiba ng South Cotabato Police Provincial Office at PRO 12, matapos nilang pagbentahan ng isang malaking plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu ang isang police poseur buyer kapalit ang buy-bust money.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 38 pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 280 gramo na nagkakahalaga ng Php1,904,000, isang piraso ng genuine one-thousand-peso bill (Php1,000) na ginamit bilang buy bust money, Pitong piraso ng one thousand Boodle money at iba pang non-drug item.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.