-- ADVERTISEMENT --

Nasa Koronadal City na si Ferdinand Dela Merced, mas kilala bilang The Philippine Looper, sa pagpapatuloy ng kanyang makasaysayang Philippine Loop Hiking Edition. Target ni Dela Merced na tahakin ang lahat ng 82 lalawigan ng bansa sa pamamagitan ng paglalakad mula Batanes hanggang Jolo, bilang bahagi ng kanyang ambisyosong layunin na makapasok sa Guinness World Records.

Sa kanyang pagdating sa Koronadal, mainit siyang sinalubong ng mga residente at opisyal ng lungsod na nagpahayag ng kanilang buong suporta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Dela Merced na kayang-kaya niyang tapusin ang mahaba at matinding paglalakbay, at naniniwala siyang magiging matagumpay ang kanyang misyon. Dagdag pa niya, hindi lamang ito para sa Guinness World Records kundi para ipakita rin ang katatagan, husay, at pagkakaisa ng mga Pilipino.

Nagpaunlak pa si Dela Merced ng panayam sa programang “Basta Radyo, Bombo!”, kung saan ibinahagi niya ang kanyang inspirasyon at motibasyon sa paglalakad sa kabila ng init, ulan, at pagod. Aniya, bawat hakbang ay alay sa sambayanan, at inaasahan niyang magsisilbi itong inspirasyon lalo na sa kabataan na mangarap at magsikap para sa tagumpay.

Mula Koronadal, ipagpapatuloy ni Dela Merced ang kanyang paglalakbay sa iba pang bahagi ng Mindanao hanggang sa tuluyang marating ang Jolo, Sulu—ang huling destinasyon ng kanyang Philippine Loop.

Para kay Dela Merced, higit pa sa rekord ang kanyang pakay. Ang pinakamahalaga, aniya, ay ang maipakita sa buong mundo ang ganda ng Pilipinas at ang di-matitinag na determinasyon ng mga Pilipino.