Umabot sa panibagong pinakamahinang antas ang piso matapos tumama sa P60 kada US dollar, na itinuturing na record low sa kasaysayan nito.
Sa trading ngayong araw, naitala ang intraday low na P60.4 at average na P60.161, mula sa pagbubukas na P59.9. Gayunman, hindi pa ito ang opisyal na closing rate para sa Huwebes.
Ayon sa mga analyst, pangunahing dahilan ng paghina ng piso ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at ang tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan. Dagdag pa rito, lumalakas ang dolyar dahil sa paglipat ng mga investor sa mas ligtas na “safe-haven” assets.
Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mahigpit nitong mino-monitor ang galaw ng merkado at handa itong kumilos kung kinakailangan upang mapanatili ang katatagan ng piso.
Ayon naman kay Emmanuel Leyco, ang patuloy na paghina ng piso ay magdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga inaangkat na produkto, partikular ang petrolyo, na maaaring magpabigat pa sa gastusin ng mga mamamayan.
Dahil dito, may pangamba na lalo pang tataas ang inflation kung magtutuloy-tuloy ang paghina ng piso laban sa dolyar.













