-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Tukoy na ng mga awtoridad ang ilang persons of interest kaugnay sa brutal na pagpaslang kay Modesto Delfinado Tamayo, 57-anyos, Municipal Head Coordinator ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) sa bayan ng President Quirino, Sultan Kudarat.

Kinumpirma ito ni Governor Reynaldo S. Tamayo Jr., National President ng PFP, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Matatandaang natagpuan ang bangkay ni Tamayo noong Abril 8, 2025, sa Sitio Bagyang, Barangay Malangit, Pandag, Maguindanao del Sur. Ang katawan ng biktima ay nagtamo ng mga saksak mula sa matulis na bagay, na pinaniniwalaang ice pick.

Base sa imbestigasyon, dinukot umano si Tamayo mula sa kanilang tahanan sa Barangay Romualdez ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang puting van pasado alas-6:00 ng hapon noong Abril 7.

Ayon pa kay Gov. Tamayo, pansamantalang inalis sa puwesto ang hepe ng pulisya ng President Quirino bilang bahagi ng standard procedure upang masiguro ang patas at walang kinikilingang imbestigasyon.

Patuloy rin ang pagtutok ng mga imbestigador sa ilang persons of interest na posibleng sangkot sa krimen, na hinihinalang may kaugnayan sa politika.

Samantala, patuloy ang panawagan ng pamilya ni Tamayo para sa hustisya habang hinihintay ang buong resulta ng imbestigasyon.

Nanindigan naman ang mga otoridad na hindi sila titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para kay Modesto Tamayo.