Nagbabala ang Presidential Communications Office (PCO) hinggil sa panganib ng maling impormasyon na maaaring magsanhi ng kalituhan sa gitna ng kasalukuyang isyu ng enerhiya sa bansa.
Ayon kay PCO Secretary Dave Gomez, mananagot ang sinumang magpapakalat ng pekeng balita kaugnay sa sitwasyong ito, at maaari silang makulong ng hanggang anim na buwan batay sa Revised Penal Code. Kung ang maling impormasyon ay ikinalat online, tataas pa ang parusa sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Binigyang-diin ni Gomez na ang maling impormasyon o disinformation ay hindi lamang nagdudulot ng kaguluhan at kawalan ng tiwala sa publiko, kundi maaari ring makasama sa ekonomiya at magdulot ng panganib sa kaligtasan at kapakanan ng mamamayan, lalo na sa panahon ng krisis sa enerhiya. Kaya’t malugod na ipinaalala niya na hindi palalampasin ng pamahalaan ang mga indibidwal o grupong nagkakalat ng pekeng balita para lamang sa pansariling kapakinabangan o pulitikal na interes.
Ituturing na seryosong paglabag ang mga hakbang na magdudulot ng kalituhan o maling pag-unawa tungkol sa seguridad, suplay, at presyo ng enerhiya sa bansa. Makikipag-ugnayan din ang PCO sa Department of Justice (DOJ) upang magsampa ng kaso laban sa mga indibidwal o grupong mahaharap sa ebidensya ng pagpapakalat ng disinformation at pagmamanipula ng merkado.
Bilang bahagi ng kanilang hakbang upang masugpo ang problema, pinaigting ng PCO ang kanilang pagbabantay sa social media at iba pang online platforms, gamit ang Oplan Kontra Fake News, upang matukoy at mapigilan ang anumang organisadong kampanya ng maling impormasyon. Kasabay nito, tiniyak ng pamahalaan na magpapatuloy ang pagbibigay ng tapat at napapanahong impormasyon ukol sa sektor ng enerhiya.
Hinihikayat ni Secretary Gomez ang mga netizens na maging responsable sa pag-share ng impormasyon at siguraduhing ito ay beripikado bago ipakalat, upang maiwasan ang mga posibleng negatibong epekto nito sa publiko.













