-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ng Presidential Communications Office (PCO) na maglulunsad ito ng isang online platform kung saan maaaring direktang i-report ng publiko ang kumakalat na fake news sa social media at iba pang digital channels—isang hakbang para mas mapabilis ang pagtugon laban sa maling impormasyon.

Ayon kay Claire Castro, hindi palalampasin ng ahensya ang paglaganap ng fake news at handa silang magsampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang may pananagutan.

Bahagi ito ng mas malawak na kampanya ng PCO, kabilang ang “Oplan Kontra Fake News” at ang Anti-Fake News Desk, na tumatanggap ng mga ulat mula sa publiko. Nakipagtulungan din ang ilang pangunahing pahayagan upang palakasin ang laban kontra misinformation.

Samantala, sinabi ni Dave Gomez na layunin ng inisyatibang ito na itaguyod ang tamang impormasyon, maibalik ang tiwala ng publiko, at mapalawak ang media literacy sa bansa.

Iniulat din ng PCO na may ilang kaso na silang ini-refer sa Department of Justice para sa imbestigasyon, kabilang ang mga fake news na may kaugnayan sa isyu ng enerhiya at maling impormasyon tungkol sa First Family.

Binigyang-diin pa ng ahensya na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita hinggil sa kalusugan ng Pangulo at umano’y kawalan ng aksyon ng pamahalaan.