Mariing pinaninindigan ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson Commodore Jay Tarriela na wala siyang obligasyong humingi ng paumanhin sa Chinese Embassy kaugnay ng isinampang diplomatic protest laban sa kanya.
Ayon kay Tarriela, malinaw ang kanyang mandato bilang tagapagsalita ng PCG, ang maghatid ng tumpak at makabuluhang impormasyon sa publiko hinggil sa sitwasyon sa West Philippine Sea, alinsunod sa rules-based order at sa umiiral na international law.
Binigyang-diin din niya na walang kapangyarihan ang Chinese Embassy na kuwestiyunin o humingi ng paliwanag sa kanyang mga pahayag, lalo na’t ang mga ito ay naglalayong ilantad ang agresibong aksyon ng China sa nasabing karagatan.
Dagdag pa ni Tarriela, ang kanyang mga inilalathala online ay hindi paninira, kundi pawang nakabatay sa beripikadong ebidensya gaya ng mga video, litrato, opisyal na ulat ng PCG, at mga obserbasyon mula sa mga third-party organization.
Sa huli, iginiit niya na ang pagbibigay-liwanag sa katotohanan tungkol sa West Philippine Sea ay bahagi ng kanyang tungkulin—isang responsibilidad na hindi niya tatalikuran sa kabila ng anumang panlabas na panggigipit.













