Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ilang insidente ng kamuntikang pagkalunod na kanilang rumespondehan noong, Abril 3. Kabilang dito ang isang 22-anyos na lalaki na muntik nang malunod sa karagatang sakop ng Barangay Maura sa Aparri, Cagayan, isang 38-anyos na lalaki sa katubigan ng Barangay Centro 1 sa Claveria, Cagayan, at isang 36-anyos na lalaki na nagtangkang lumangoy habang nakainom sa baybayin ng Southern Philippine Agri-Business and Marine and Aquatic School of Technology (SPAMAST) sa Davao Occidental. Sa lahat ng insidenteng ito, agarang rumesponde ang PCG upang matulungan ang mga biktima at maiwasan ang mas malalang aksidente.
Bukod dito, nagbigay din ng agarang tulong ang PCG sa isang turista na nakaranas ng medical emergency habang sakay ng motor banca patungong Sepok Island sa Tingloy, Batangas. Pinuri ang mabilis na aksyon ng PCG sa mga ganitong sitwasyon na nagpapatunay ng kanilang kahandaan at dedikasyon sa kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na ngayong Semana Santa.
Samantala, ayon sa PCG, mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali ngayong Black Saturday, kanilang minonitor ang kabuuang 60,492 outbound passengers (mga paalis) at 49,574 inbound passengers (mga dumarating) sa lahat ng pantalan sa buong bansa. Bilang bahagi ng kanilang mga operasyon, nagsagawa sila ng inspeksyon sa 574 sasakyang pandagat at 1,828 motor banca mula sa 16 na PCG Districts.
Patuloy namang naka-heightened alert ang lahat ng distrito, istasyon, at sub-stations ng PCG mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026, upang matiyak ang kaligtasan at maayos na daloy ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong Semana Santa.













