Magpapadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng barko upang bantayan at tiyakin ang kaligtasan ng ikaapat na civilian mission ng Atin Ito Coalition sa West Philippine Sea ngayong Abril.
Kinumpirma ni Jay Tarriela na magsisilbing escort ang kanilang barko upang maprotektahan ang mga sibilyan, lalo na sa gitna ng posibleng presensya ng China Coast Guard sa lugar.
Bagamat isang independent na inisyatiba ng mga sibilyan ang nasabing misyon, nilinaw ni Tarriela na kusa itong isinagawa ng mga volunteer at hindi idinirekta o pinilit ng pamahalaan.
Ayon pa sa PCG, positibo ang pagdami ng mga Pilipinong nakikilahok sa ganitong uri ng aktibidad, na nagpapakita ng lumalakas na kamalayan at pakikiisa sa usapin ng soberanya.
Layunin ng convoy na igiit ang karapatan ng Pilipinas sa WPS at maghatid ng tulong sa mga mangingisda at residente sa Pag-asa Island.
Samantala, sinabi ni Rafaela David na target ng bagong civilian mission na tugunan ang ilang mahahalagang isyu, kabilang ang umano’y aktibidad ng espiya ng China at ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.













