Patuloy ngayon ang imbestigasyon at hot pursuit operation upang matukoy at mahuli ang mga suspek sa naganap na motornapping at pamamaril alas-12:45 ng madaling araw, Pebrero 3, 2025, sa National Highway, Purok Kaunlaran, Brgy. Bambad, Isulan, Sultan Kudarat.
Kinumpirma ito ni PLTCOL Julius R. Malcontento, Hepe ng Isulan PNP, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Malcontento, ang biktima na nagtamo ng sugat bilang si John Rey Peña Daton, isang 39-anyos na driver, binata, at residente ng Sitio Dos, Brgy. EJC Montilla, Tacurong City.
Samantala, hindi naman binaril ng mga suspek ang kanyang angkas na si Jocelyn Casco y Padernal, 35-anyos, may asawa, isang OFW, at residente ng Bo.1, Koronadal City.
Ayon kay Malcontento, habang nagbibiyahe ang mga biktima mula Norala, South Cotabato sakay ng isang Suzuki Raider 150FI, bigla silang pinaputukan ng isa sa tatlong suspek pagdating nila sa nasabing lugar.
Matapos ang pamamaril, tinangay ng mga suspek ang kanilang motorsiklo.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima upang mabigyan ng kaukulang medikal atensyon.
Narekober rin ang isang fired cartridge case ng cal. 45, iba’t ibang bahagi ng motorsiklo, at isang hair wig at sa ngayon ay nasa kustodiya ng SK RFU para sa tamang disposisyon.
Nanawagan si Malcontento sa publiko na maging alerto, ipagbigay-alam agad kung sino man ang may alam at kung may makakakita ng naturang motorsiklo upang mapabilis ang posibleng pag-aresto sa mga suspek.