-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa nangyaring pagsabog ng granada sa Nalapaan Patrol Base ng militar sa Brgy. Nalapaan, Malidegao, Special Geographic Area ng BARMM kaninang alas-6:58 ng umaga, Sabado, Agosto 23, 2025.

Batay sa ulat, kinilala ang nasawing biktima na si Bimbo Malingko Lumambas, 25 taong gulang, binata, at miyembro ng CAFGU Active Auxiliary o CAA na nakatalaga sa nasabing patrol base at residente ng Kalacacan, Pikit, Cotabato.

Sa inisyal na imbestigasyon, habang nasa tapat ng kampo ang biktima, bigla umanong dumating ang isang hindi pa nakikilalang suspek na nakasuot ng itim na hoodie at itim na cap, sakay ng isang itim na Bajaj na motorsiklo. Agad nitong pinasabugan ng granada ang direksyon ng kampo.

Tinamaan ng shrapnel si Lumambas na agad dinala sa pagamutan ngunit kalaunan ay binawian ng buhay.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Brgy. Bualan, Tugunan, SGA-BARMM. Nagsagawa naman ng hot pursuit operation ang Pikit Municipal Police Station katuwang ang RMFB 12, Malidegao MPS at 40th Infantry Battalion upang tugisin ang responsable.

Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa naturang pag-atake.