-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Humihingi ng tulong ang mag-asawang sina Pastor Jershon Balandan Galas at misis niyang si Sunshine Senilong-Galas ng Barangay San Roque, Koronadal City para sa patuloy na gamutan ng kanilang apat na sanggol na babae o quadruplets na kasalukuyang nasa neonatal intensive care unit.

Ayon sa mag-asawa, dahil sa pagiging premature ng mga sanggol, maaaring umabot sa milyon-milyong piso ang inaasahang gastos para sa kanilang pangangalaga at pagpapagaling dahil kasalukuyan nasa incubator pa at nangangailangan ng espesyal na atensyon ang mga ito upang lumakas.

Sa ngayon, nangangailangan ang mag-asawa na makalikom ng P200,000 para sa hinihinging downpayment ng ospital para sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, ikinuwento ni Ginang Sunshine ang naging hindi inaasahang karanasan ng kanyang pagbubuntis.

Una’y inakala niyang may polycystic ovary syndrome o PCOS siya dahil sa obesity. Ngunit sa unang check-up, tatlong heartbeat ang nadiskubre ng doktor at inakala pa noong una na kambal lamang. Makalipas ang ilang linggo, kinumpirma ng isa pang espesyalista na tatlo nga ang sanggol.

Sa ikalawang referral sa isang high-risk pregnancy doctor, natuklasang apat pala ang kanyang dinadala. Laking gulat man, buong puso nila itong tinanggap at inihanda ang kanilang sarili sa pagdating ng mga sanggol.

Pitong buwan pa lamang sa sinapupunan nang isilang ang quadruplets, na ngayon ay apat na araw pa lamang mula nang ipanganak.

Pinangalanan sila ng mag-asawa ng mga pangalang hango sa Biblia: Baby Jemimah Enish, Baby Keziah Jersh, Baby Keren Ruth, at Baby Arcedhel Marie.

Ayon kay Ginang Sunshine, tatlo sa mga pangalan ay mula sa mga anak na babae ni Job bilang simbolo ng kanilang pananampalataya at pag-asa.

Bagama’t labis ang kanilang kasiyahan at pasasalamat sa biyaya, hindi maikakaila ang bigat ng pinansyal na hamon.

Kaya naman nananawagan ang pamilya Galas ng tulong mula sa publiko upang masigurong patuloy na maalagaan at mailigtas ang kanilang mga anak.

Nagpahayag din sila ng taos-pusong pasasalamat sa lahat ng naunang nagpaabot ng tulong at panalangin, at umaasa sa mas marami pang makikiisa para sa kaligtasan ng kanilang quadruplets.