Isinusulong ngayon sa Senado ang isang panukalang batas na layong maisailalim sa price control ang mga produktong petrolyo tulad ng diesel at gasolina sa panahon ng krisis.
Inihain ni Senador Bam Aquino ang panukala upang tugunan ang kakulangan sa umiiral na Republic Act No. 7581 o Price Act. Sa kasalukuyan, hindi saklaw ng batas na ito ang price control sa mga pangunahing produktong petrolyo, kahit malaki ang impluwensya ng mga ito sa presyo ng iba pang bilihin.
Sa ilalim ng panukala, maaaring magpatupad ng price control sa langis sa loob ng hanggang 30 araw kapag may idineklarang krisis—mas mahaba kumpara sa kasalukuyang 15 araw na limitasyon na naaangkop lamang sa LPG at kerosene.
Ayon kay Aquino, bagama’t deregulated ang industriya ng langis, mahalagang magkaroon ng mekanismo ang pamahalaan upang mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo, lalo na kung direktang naaapektuhan ang kabuhayan ng mga mamamayan.
Umani ng pansin ang panukalang ito sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, na iniuugnay sa tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan—isang salik na nagpapataas din sa halaga ng mga pangunahing bilihin.
Samantala, kahit nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency, wala pang malinaw na hakbang ang pamahalaan para ipatupad ang posibleng pag-freeze ng presyo ng langis.













