Inalerto ng mga oil industry players ang publiko hinggil sa posibleng malaking pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na ipatutupad sa darating na Martes, Abril 7.
Batay sa mga naunang trading activities, nagpakita ng pabagu-bagong galaw ang presyo ng langis, ngunit kasalukuyang nasa uptrend pa rin ito, katulad ng mga naunang linggo. Ayon sa mga early estimates, posibleng magtaas ng P6.20 kada litro ang gasolina, P20.00 kada litro ang diesel, at P13.00 kada litro naman ang kerosene. Kasama na sa mga presyo ang Excise Tax at Risk Premium na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.
Ayon sa mga observers, ang mga pagtaas ng presyo ay maaaring magbago pa depende sa galaw ng world market trend. Kung magpapatuloy ang kasalukuyang direksyon ng trading, inaasahan na mararamdaman ng mga motorista at negosyante ang bigat ng dagdag-presyo sa susunod na linggo.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng diesel sa Metro Manila ay P134.90 kada litro, ang gasolina ay nasa P109.90 kada litro, at ang kerosene ay P104.90 kada litro. Gayunpaman, may mga gas stations na nag-aalok ng mga promo o discount rate, kaya’t maaaring mag-iba ang presyo sa mga ito.
Ang posibleng pagtaas ng presyo ng langis ay magiging malaking hamon para sa mga motorista, negosyante, at mga mamamayan, lalo na sa patuloy na pagtaas ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa.













