Kinuwestyon ni dating presidential legal counsel Atty. Salvador “Sal” Panelo ang naging imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Panelo, ipinakita umano ng naging pagtestigo ni NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa impeachment trial na may mga mahahalagang usaping hindi lubusang nasagot sa isinagawang imbestigasyon.
Iginiit ng abogado na nananatiling hindi malinaw ang bahagi ng alegasyon tungkol sa sinasabing assassin na umano’y inatasang kumilos sakaling may mangyaring masama sa Bise Presidente. Aniya, mahalagang malinawan kung paano ito sinuri at pinagtibay ng NBI.
Tinukoy rin ni Panelo ang umano’y hindi pagkakatugma sa naging paliwanag ng ahensya kung ang naging pahayag ni Vice President Duterte ay isang conditional threat o maituturing na direktang pagbabanta.
Para kay Panelo, hindi lamang ang mismong mga salita ang dapat suriin kundi pati ang konteksto kung saan ito sinabi. Aniya, dapat ding isaalang-alang ang mga pangyayaring umano’y naranasan ng Bise Presidente bago niya binitiwan ang naturang pahayag, dahil maaari itong naging reaksiyon sa sitwasyong inakala niyang naglalagay sa kanya sa panganib.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, kung saan nakatuon ang pagdinig sa Article IV ng Articles of Impeachment na may kaugnayan sa alegasyong grave threats. Inaasahang muling haharap bilang testigo si NBI Regional Director Atty. Jeremy Lotoc sa mga susunod na pagdinig.













