-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng San Fernando Municipal Police Station kaugnay sa pamamaril na ikinasawi ng isang ina at ikinasugat ng kanyang asawa at anak sa Barangay Halapitan, San Fernando, Bukidnon, pasado alas-10 ng gabi noong Oktubre 14, 2025.

Batay sa ulat ng pulisya, personal na alitan o away sa pagitan ng magkapitbahay ang tinitingnang motibo sa krimen. Ayon kay Police Executive Master Sergeant Rael M. Ganadillo, Chief Investigator ng San Fernando Police Station, sapilitang pinasok ng suspek na kinilalang si alyas “Gardo” ang bahay ng mga biktima sa Sitio Sulog at pinaputukan ang mga ito gamit ang caliber .45 pistol.

Nasawi ang inang si Rutchell Lasponia Amad, 32 anyos, matapos magtamo ng tama ng bala sa mukha, balikat, at leeg. Sugatan naman ang kanyang asawa na si Jorniel Amad, 34 anyos, at ang 12-anyos nilang anak na si alyas “Biboy”, na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek at pinaputukan pa nang paulit-ulit ang bahay ng mga biktima bago tuluyang tumakas.

Patuloy ngayon ang hot pursuit operation ng mga awtoridad upang mahuli ang salarin at matukoy ang tunay na dahilan sa likod ng karumal-dumal na krimeng nagdulot ng matinding takot sa mga residente ng lugar.