KORONADAL CITY — Nanawagan ng patas na imbestigasyon ang pamilya ng isang pasyenteng nasawi sa Norala District Hospital sa bayan ng Norala, South Cotabato, dahil umano sa kakulangan ng atensyong medikal mula sa mga staff at doktor ng nasabing ospital.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, inilahad ni Marlon Marfil ang sinapit ng kanyang asawang si Louella Marfil, na dinala nila sa ospital matapos itong mahirapang huminga.
Ayon kay Marfil, maayos naman umano silang inasikaso sa emergency room hanggang sa mailipat si Louella sa ward. Ngunit, makalipas lamang ang ilang oras, muling inatake ang kanyang asawa at doon na nila napagtantong hindi gumagana ang oxygen dahil sira umano ang regulator.
Dagdag pa ni Marlon, hindi rin naibigay ang kanilang hiling na manual pump, na sana’y nakatulong para maibsan ang paghingalo ni Louella.
Ibinahagi rin niya na hindi sila pumirma para lagyan ng tubo ang kanyang asawa dahil sinabi ng mga staff na wala na itong heartbeat, at huli na nang maipaliwanag sa kanila ang tunay na kalagayan ng pasyente. Dahil dito, nanawagan si Marlon ng patas na imbestigasyon laban sa mga doktor at staff ng Norala District Hospital na umano’y nagpabaya sa kalagayan ng kanyang asawa.
Aniya, nakipag-ugnayan na rin sila sa pamunuan ng ospital upang malinawan ang pangyayari.
Tinungo rin ng Bombo Radyo Koronadal news team ang naturang ospital, subalit tumanggi ang administrator o chief of hospital na magbigay ng pahayag kaugnay ng isyu.
Samantala, dahil sa pagkalat ng video sa social media kaugnay sa pagkamatay ng biktima, inihayag ni South Cotabato Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. na magsasampa ng kaso ang provincial government laban sa isang babaeng vlogger na nag-upload ng video ng nasabing pasyente habang ito ay naghihingalo.
Ayon sa gobernador, inutusan na niya ang legal team ng probinsya na ihanda ang kaso matapos makumpirmang kamag-anak mismo ng biktima ang naturang vlogger, na umano’y nagpalaganap ng pekeng impormasyon sa social media nang walang sapat na beripikasyon sa totoong pangyayari.
Giit pa ng opisya, nakakahiya at hindi makatao ang ginawang pagkuha at pagpapakalat ng video sa social media, lalo na’t ginamit ang kamatayan ng sariling kaanak upang makakuha lamang ng atensyon online.
Sa ngayon, nais ng pamilya na tigilan na rin ng mga vloggers ang pag-repost ng nabanggit na video.












