-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng pagkadismaya at humihingi ng tulong sa ngayon ang isang pamilya sa Barangay Poblacion, Lake Sebu, South Cotabato matapos umanong gibain ang kanilang bahay nang walang kahit anong abiso o permiso mula sa mga otoridad.

Ayon sa post ni RJ, wala silang natanggap na notice of demolition o anumang dokumento bago isinagawa ang paggiba ng kanilang tirahan. Giit nila, basta na lamang dumating ang ilang indibidwal at sinira ang bahay na matagal na nilang pinaghirapan at dito na rin nila binuo ang kanilang buhay.

Idinulog sa Bombo Radyo ang kanilang hinaing upang matulungan silang makamit ang hustisya.

Dagdag pa nila, hindi raw ito simpleng usapin ng pagkasira ng bahay, kundi paglabag sa karapatan ng isang pamilyang Pilipino na magkaroon ng maayos na tirahan at due process bago gibain ang kanilang tahanan.

Patuloy silang nananawagan sa mga kinauukulan at sa publiko na tulungan silang maiparating ang kanilang sitwasyon upang mabigyan ng kaukulang imbestigasyon at aksyon ang insidente.

Bukas naman ang Bombo Radyo sa kabilang panig sa pinararatangan na nagsagawa ng demolisyon sa bahay ng nabanggit na pamilya.