-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY –Umalma ang isang pamilya laban sa umano’y kapabayaan ng mga staff ng South Cotabato Provincial Hospital matapos bawian ng buhay ang kanilang kaanak na isinugod dahil sa mataas na blood sugar.

Batay sa salaysay ng pamilya Dela Cruz, noong Agosto 30,Sabado ng Gabi ay nahirapang huminga ang pasyente at humingi ng agarang tulong ang kanyang asawa.

Subalit sa halip na matulungan, sinabi umano ng ilang staff sa pasyente na tumigil sa pagsisigaw habang ito’y habol ang paghinga.

Dahil sa umano’y kakulangan ng agarang atensyon, binawian ng buhay ang pasyente. Dagdag pa ng pamilya, nagbigay lamang ng tulong ang mga staff nang huli na, matapos na huminto sa paghinga at pagtibok ang puso ng kanilang kaanak.

Mariing kinuwestyon ng pamilya ang kalidad ng serbisyo sa ospital at iginiit na hindi dapat isantabi ang mga pasyente dahil lamang sa kakulangan sa pera.

Bilang tugon, ipinangako ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. na paiimbestigahan ang pangyayari.

Aniya, sinumang mapatunayang nagpabaya ay agad na matatanggal sa ospital, dahil buhay ng tao ang nakataya rito. Dagdag pa ng gobernador, wala siyang ibang pagpipilian kundi magpatupad ng aksyon, at kung may matatanggal, agad namang papalitan dahil marami ang nais magtrabaho sa naturang institusyon.