-- ADVERTISEMENT --

Simula ngayon araw, Mayo 5, muling gagalaw ang presyo ng mga produktong petrolyo—at hindi ito magandang balita para sa mga motorista.

Magpapatupad ang mga kumpanya ng langis ng dagdag na ₱2.21 kada litro sa gasolina at ₱2.66 sa diesel, habang may kaunting ginhawa naman sa kerosene na bababa ng ₱3.53 kada litro. Epektibo ang mga pagbabagong ito alas-6 ng umaga.

Ayon kay Energy Undersecretary Sharon Garin, inaasahan na ang oil price hike ngayong linggo. Isa sa pangunahing dahilan ang paghina ng piso, na bumagsak sa ₱61.75 laban sa dolyar—isang record low na nagpapamahal sa pag-angkat ng langis.

Sa kabila nito, tiniyak ng Department of Energy na sapat ang suplay ng bansa. Tinatayang may stock na kayang tumagal ng halos 53.7 araw, sumasaklaw sa gasolina, diesel, kerosene, jet fuel, fuel oil, at LPG.

Kung titingnan ang galaw noong nakaraang linggo, bahagyang tumaas ang gasolina ng ₱0.53 kada litro, pero malaki ang ibinaba ng diesel at kerosene—₱12.94 at ₱15.71 kada litro, ayon sa oil firms.

Sa madaling sabi: bawi ang presyo ng diesel at gasolina ngayong linggo matapos ang malalaking rollback kamakailan, habang ang kerosene ay patuloy na bumababa.