-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nilinaw ni Retired Judge Lorenzo Balo, Provincial Legal Officer ng Sultan Kudarat, na hindi maituturing na may masamang intensyon o “cyberlibel” ang pagpo-post ng isang biktima ng pambabastos sa social media kung ang layunin nito ay magpahayag ng kanyang naramdaman at magbigay ng kamalayan sa publiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Judge Balo na may karapatan ang isang biktima na ipahayag ang kanyang saloobin at karanasan, lalo na kung layunin nitong magbigay babala o inspirasyon sa iba, basta’t hindi ito ginamit para siraan o manira ng reputasyon ng isang tao.

Gayunman, binigyang-diin ng opisyal na ang pambabash, panlalait, at paninira laban sa biktima sa social media ay maaaring pumasok sa cyberlibel, lalo na kung may malinaw na intensyon na sirain ang dangal, imahe, o pagkatao ng isang indibidwal.

Dagdag pa ni Judge Balo, saklaw ng cyberlibel ang mga komento at post na naglalaman ng mapanirang salita o akusasyon na maaaring makasira sa reputasyon ng isang tao.

Panawagan pa ni Judge Balo sa publiko na gamitin ang social media para sa kabutihan at tamang impormasyon, hindi para sa paninira o panghuhusga.

Pahayag ni Judge Balo:

Ang karapatang magpahayag ay may hangganan. Walang masama kung layunin ay magbahagi ng karanasan at magmulat ng isipan, ngunit kapag ito ay ginamit para manira o manghiya, may legal na pananagutan na kasunod