-- ADVERTISEMENT --

Iginiit ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na hindi tuluyang nakasasama sa ekonomiya ng bansa ang pagdausdos ng piso laban sa US dollar, dahil nakatutulong umano ito sa ilang pangunahing sektor.

Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., ang kasalukuyang estado ng piso, na lumampas sa P60 kada dolyar, ay nagbibigay ng benepisyo sa current account deficit at sa sektor ng eksportasyon ng bansa. Naalala na naitala ang all-time low na P60.30 kada dolyar noong Marso 23, tatlong linggo matapos direktang masangkot ang Estados Unidos sa isang sigalot. Sa kasalukuyan, nananatili ang palitan sa paligid ng P60.23 dahil sa mataas na demand sa dolyar at pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi ni Remolona na nagsisilbi rin itong pananggalang para sa mga pamilya ng Overseas Filipino Workers (OFW), dahil lumalaki ang halaga ng kanilang remittance na nakatutulong sa balanse ng panlabas na pondo ng bansa. Mas nagiging kompetitibo rin ang mga serbisyong hindi umaasa sa imported na materyales, tulad ng business process outsourcing at turismo.

Gayunpaman, nararanasan ng karaniwang sambahayan ang negatibong epekto ng humihina na piso. Ang mas mataas na palitan ay nagpapataas sa presyo ng mga import gaya ng petrolyo, pagkain, at kuryente, na nagdudulot ng inflation at direktang nagpapababa sa purchasing power ng mga Pilipino.

Nilinaw ni BSP Governor Remolona na karaniwan lamang nakikialam ang BSP sa foreign exchange market kapag mayroong matinding pabago-bago o excessive volatility. Ngunit tiniyak niya na handa ang central bank na umaksyon kung sakaling maging disorderly ang patuloy na paghina ng piso.