-- ADVERTISEMENT --

Nagpahayag ng pagkabahala ang ilang sektor sa patuloy na paghahanap ng International Criminal Court (ICC) ng karagdagang mga saksi at ebidensya kaugnay ng reklamo laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Atty. Vincent Orly Montalban, bagama’t hindi ito tuwirang paglabag sa mga alituntunin at proseso ng ICC, nakababahala umano ang hakbang dahil nananatili pa sa pre-trial chamber ang kaso at hindi pa umano matibay ang mga ebidensyang naiprisinta sa korte.

Samantala, iginiit naman ni Atty. Luke Espirito, Pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, na normal lamang ang patuloy na pagkalap ng ICC ng karagdagang ebidensya, lalo na sa ibang mga bansa.

Aniya, bahagi ito ng masusing imbestigasyon kung saan maingat na hinihiwalay ang mahalaga at kapani-paniwalang impormasyon mula sa mga walang saysay o maling ebidensya.

Patuloy pa rin ang mga hakbang ng ICC kaugnay ng kaso, habang nananatiling magkakaiba ang pananaw ng mga eksperto hinggil sa proseso at direksyon ng imbestigasyon.