-- ADVERTISEMENT --

Umakyat na sa apat ang kumpirmadong patay sa gumuhong landfill sa Brgy. Binaliw, Cebu City, habang 12 ang nananatiling naka-confine sa bahay-gamutan at patuloy pa ang paghahanap sa mga nawawala.

Nagsagawa na rin ng panibagong coordination meeting kaning umaga na nakatuon sa patuloy na landslide response, kung saan nananatiling prayoridad ang rescue operations.

Kinumpirma rin ng mga awtoridad na may na-detect silang mga senyales ng buhay sa ilang lugar, dahilan upang ipagpatuloy ang masusing paghuhukay at ang pag-deploy ng mas advanced na 50-toneladang crane na may police escort support.

Nanatili ring prayoridad ang kaligtasan ng mga responders dahil sa mga hazard tulad ng hindi matatag na tipak o debris at panganib ng acetylene, kaya isinagawa ang mga adjustment sa security perimeter at ipinatupad ang kontroladong access.

Kabilang din sa tinututukan ang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya sa pamamagitan ng regular na briefings, mga photo at video updates, psychosocial support, at ang pinatatag na Management of the Dead and Missing receiving area.

Inaaksyunan na rin ang pagpapanumbalik ng linya ng kuryente, mga sanitation facilities, iba pang pasilidad para sa mga rescuer, internet connectivity, at maayos na housekeeping sa lugar ng insidente.

Patuloy din ang paghahanda para sa pagharap sa mga susunod na isyu kaugnay ng koleksyon ng basura, pansamantalang staging arrangements, gayundin ang documentation para sa death certification at ang kalaunang pagturnover ng mga labi sa kani-kanilang pamilya.