Naglabas ng panibagong desisyon ang Korte Suprema kung saan pinagtibay nito ang naunang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) at Court of Appeals (CA) na nag-absuwelto kay Datu Akmad “Tato” Ampatuan Sr. kaugnay ng Maguindanao Massacre noong 2009.
Sa isang 10-pahinang desisyon na inilabas noong Enero 27, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na bagama’t may kaalaman si Ampatuan sa planong pagpatay, walang sapat na ebidensya na magpapatunay na siya ay may isinagawang “overt act” o hayagang pagkilos na mag-uugnay sa kanya sa sabwatan para sa krimen.
Maaalalang kabilang si Datu Akmad sa mga inakusahan sa masaker kung saan 58 katao, kabilang ang mga sibilyan at mamamahayag, ang pinaslang. Mariin niyang itinanggi ang lahat ng akusasyon.
Ayon sa unang desison ng RTC, bagama’t dumalo si Ampatuan sa mga pagpupulong noong Hulyo 20, Nobyembre 17, at Nobyembre 22, 2009 kung saan tinalakay ang planong pagpatay at nagpahayag pa ng suporta rito, wala siyang presensya noong aktwal na naganap ang krimen noong Nobyembre 23, 2009 dahil siya ay nasa isang medical mission.
Ipinunto din ng korte na ang kawalan niya sa mismong insidente ay indikasyong hindi siya tumalima sa plano, at walang malinaw na ebidensya na siya ay gumawa ng anumang hakbang upang isakatuparan ang sabwatan.
Dahil dito, napawalang-sala si Ampatuan sa lahat ng 58 counts of murder base sa prinsipyo ng “reasonable doubt.”