-- ADVERTISEMENT --

Dinepensahan ni Robinhood Padilla si Ronald dela Rosa matapos usisain ng media ang umano’y pagtatago nito kasunod ng iniisyung arrest warrant ng International Criminal Court.

Sa panayam noong Mayo 18, sinabi ni Padilla na ang tanging nais umano ni Dela Rosa ay maiwasang “makidnap,” bilang tugon sa mga tanong kung bakit hindi ito nagpapakita sa publiko.

“Basta ako, si Bato ayaw niyang makidnap,” pahayag ni Padilla.

Ito ang unang pagharap ni Padilla sa media mula nang maiulat na kasama umano niya si Dela Rosa nang umalis ito sa Senado ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril sa loob ng kapulungan.

Hindi naman kinumpirma ni Padilla kung siya mismo ang nagmaneho o tumulong sa paglabas ni Dela Rosa sa Senado, ngunit sinabi niyang handa siyang sumagot sa anumang tanong sa oras na magkaroon ng pormal na imbestigasyon.

Iginiit din niya na ayon umano kay Alan Peter Cayetano, walang umiiral na warrant of arrest laban kay Dela Rosa, kaya wala umanong batayan para sabihing may tinatakasan itong kaso.

Pinasinungalingan din ni Padilla ang mga ulat na nakita umano si Dela Rosa sa Ninoy Aquino International Airport o na nagtangkang umalis ng bansa sakay ng yate. Ayon sa senador, hindi umano makatuwirang magpakita sila sa mga naturang lugar kung balak talaga nilang tumakas palabas ng bansa.