-- ADVERTISEMENT --

TAMPAKAN, SOUTH COTABATO – Sinalakay ng mga otoridad ang operasyon ng iligal na hydraulic mining o “banlas” sa hangganan ng Sitio Kampo Kilot, Barangay Pulabato at Sitio Aspak, Barangay Tablu sa bayan ng Tampakan, South Cotabato.

Pinangunahan ni Mayor Leonard Escobillo ang operasyon, katuwang ang MENRO, PNP Tampakan, 1st Provincial Mobile Force Company, at Regional Mobile Force Battalion.

Sa isinagawang operasyon, nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang kagamitan na ginagamit sa iligal na pagmimina. Kabilang dito ang mga high-density polyethylene (HDPE) pipes na may iba’t ibang sukat, dalawang malalaking sluice boxes, tatlong screen, at iba’t ibang uri ng mining paraphernalia. Ang lahat ng mga nasamsam na gamit ay agad na dinala sa tanggapan ng MENRO Tampakan para sa wastong dokumentasyon at kaukulang legal na proseso.

Ayon kay Mayor Escobillo, hindi nila hahayaan na masira ang kalikasan ng kanilang bayan dahil lamang sa ganitong mga ilegal na aktibidad. Dagdag pa niya, buo ang kanilang paninindigan na protektahan ang likas na yaman ng Tampakan para sa kapakanan ng kasalukuyan at susunod pang mga henerasyon.

Bilang bahagi ng kanilang pangmatagalang solusyon sa problemang ito, inihayag ng alkalde ang kanyang planong maglabas ng isang Executive Order na magtatakda ng pagbuo ng isang Task Force kontra Banlas. Layunin ng naturang task force na mas palakasin pa ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga batas laban sa iligal na pagmimina sa buong bayan.

Panawagan din ni Mayor Escobillo sa publiko na makipagtulungan sa kanilang kampanya sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa illegal mining. Aniya, mahalagang magkaisa ang pamahalaan at mamamayan upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at kalikasan ng Tampakan.