Kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) na harangin ang malakihang pagtaas ng singil sa kuryente at tiyaking ipatupad ito nang paisa-isa upang hindi mabigla ang bulsa ng mga ordinaryong konsumer.
Sa isang pahayag, iginiit ng mambabatas na dapat mahigpit na subaybayan ng ERC ang mga electricity rates sa bansa at tuluyang ipagbawal ang sistemang one-time, big-time na pagtaas ng singil na ipinatutupad ng mga distribution utilities.
Ayon kay Gatchalian, ang unti-unting pagpapatupad ng taas-singil, na hahatiin sa loob ng ilang billing cycle, ay isang praktikal na solusyon upang maibsan ang epekto nito sa mga konsumer.
Ipinaalala ng senador na ang sektor ng enerhiya ay isang regulated industry, kaya’t binigyang-diin niya na pangunahing mandato ng ERC ang kumilos, maging mapagmatyag, at protektahan ang taumbayan laban sa mga hindi makatarungang bayarin na lalong nagpapabigat sa pang-araw-araw na gastusin ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng umiiral na Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), limitado ang kapangyarihan ng gobyerno sa direktang pagtatakda ng presyo ng kuryente sa merkado.












