-- ADVERTISEMENT --

Isang kawani ng Office of the Ombudsman ang isinailalim sa disciplinary investigation kaugnay ng umano’y pagkukulang sa pagproseso ng counter-affidavit na inihain ni Senator Robin Padilla sa reklamong obstruction of justice.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, napatunayang nakapaghain ng kaniyang counter-affidavit si Padilla, taliwas sa naunang impormasyon na hindi nito nasunod ang itinakdang direktiba ng tanggapan.

Ipinaliwanag ni Remulla na nagkaroon ng aberya sa dokumentasyon nang hindi umano naitala sa Central Records ang isinumiteng dokumento at sa halip ay direktang naipasa ito sa investigating division.

Dahil sa nangyari, sinabi ng Ombudsman na nagpadala na siya ng liham kay Padilla upang ipaliwanag ang naging pagkukulang sa pagproseso ng mga dokumento.

Binigyang-diin din ni Remulla na seryosong usapin ang anumang pagkakamali sa dokumentasyon sa loob ng Office of the Ombudsman, kaya agad na isinailalim sa disciplinary investigation ang personnel na sangkot sa insidente.

Ang reklamong obstruction of justice laban kina Padilla, Senator Alan Peter Cayetano, at dating Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ay inihain ng grupong Tindig Pilipinas. Kaugnay ito ng alegasyong tinulungan umano nilang makaiwas sa pagpapatupad ng arrest warrant ng International Criminal Court si Senator Ronald “Bato” dela Rosa.