-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang Office of the Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon sa posibleng malversation o maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Batay sa mga dokumentong inilahad ni Ridon, may umano’y hindi pagkakatugma sa accomplishment reports ng OVP, kung saan paulit-ulit na lumilitaw ang halagang P125 milyon kahit nag-iiba ang covered period, lugar at mga line item.

Isa sa mga tinukoy niya ang P16 milyon na nakalaan umano para sa renta at maintenance ng mga safe house. Ayon kay Ridon, kaparehong halaga ang lumitaw sa magkakaibang quarter noong 2022 at 2023.

Sa pagdinig, kinumpirma rin ni OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio na 11 araw lamang ang sakop ng accomplishment report para sa 2022, habang mas mahaba ang coverage ng mga sumunod na ulat. Gayunman, may ilang halaga umanong nanatiling pareho.

Dahil dito, nais ni Ridon na alamin ng Ombudsman kung may naganap na aktuwal na malversation at kung may pananagutan sina dating special disbursing officer Gina Acosta, dating security chief Raymund Dante Lachica, at Vice President Sara Duterte.

Iginiit ni Ridon na hindi dapat limitado sa dalawang opisyal ang pananagutan dahil si Duterte umano mismo ang nag-utos na ilipat ang P125 milyon mula kay Acosta patungo kay Lachica.

Ayon kay Ridon, magpapatuloy ang prosecution sa pagsusuri sa mga dokumento at iba pang ebidensiya hanggang sa matapos ang impeachment proceedings.