Panandalian lamang ang naging ginhawa ng mga motorista matapos ang malaking rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo noong nakaraang linggo.
Ngayong linggo, inaasahan na namang tataas ang presyo ng diesel at gasolina dahil sa panibagong paggalaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa paunang pagtaya ng mga source sa industriya ng langis, maaaring umabot sa P1 kada litro ang dagdag sa presyo ng diesel, habang posibleng tumaas ng hanggang P2 kada litro ang gasolina.
Ayon sa mga analyst, muling umakyat ang presyo ng krudo dahil sa panibagong tensiyon sa Gitnang Silangan, na nagdulot ng pangamba sa suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.
Matatandaang bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo noong nakaraang linggo kasunod ng ceasefire agreement sa pagitan ng Estados Unidos at Iran. Gayunman, muling nabalot ng pangamba ang merkado matapos ang panibagong pag-atake ng Estados Unidos sa Iran bilang tugon umano sa isang Iranian drone strike sa isang cargo ship sa Strait of Hormuz.
Karaniwang inaanunsiyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment tuwing Martes.













