-- ADVERTISEMENT --

Nag-anunsyo ang Department of Energy ng panibagong galaw sa presyo ng petrolyo ngayong Martes: tataas ang presyo ng gasolina at diesel, habang bababa naman ang kerosene.

Ayon kay Sharon Garin, maaaring umabot hanggang P1.21 kada litro ang dagdag-presyo sa gasolina at P2.82 kada litro naman sa diesel. Sa kabilang banda, magkakaroon ng rollback na hindi bababa sa P2.21 kada litro para sa kerosene.

Sa Metro Manila at iba pang highly urbanized cities, nasa P97.65 kada litro ang diesel, habang ang gasolina ay naglalaro mula P73.68 hanggang P108.18 kada litro depende sa uri at lokasyon.

Kasabay nito, muling pinag-aaralan ng DOE ang kasalukuyang mandatory price adjustment system matapos manawagan ang ilang oil companies na repasuhin o tuluyang alisin ito. Sinabi ni Garin na tinitingnan ng ahensya ang epekto ng freight costs at presyo mula sa suppliers sa operasyon ng mga kumpanya ng langis.

Patuloy ring nakikipagpulong ang DOE sa mga oil firms upang suriin ang kanilang isinumiteng datos sa gastusin at fuel pricing.

Batay sa pinakahuling tala ng DOE, bumaba sa 45.33 araw ang average fuel inventory ng bansa mula sa dating 50.7 araw noong nakaraang linggo.