Pansamantalang pinalaya ang vlogger na si Norman Mangusin, na mas kilala rin bilang Francis Leo Marcos, matapos makapagpiyansa kaugnay ng kasong unjust vexation na isinampa ng kapwa vlogger na si MG.
Ayon kay BJMP spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera, dumating ang court order para sa pansamantalang paglaya ni Mangusin noong Sabado. Ipinaliwanag niya na posible ang pagproseso ng piyansa kahit sa weekend, basta may nakalabas na court order, tulad ng nangyari sa Parañaque na may weekend court.
Si Mangusin ay pinalaya mula sa Parañaque City Jail Male Dormitory bandang alas-4 ng hapon. Nilinaw ni Bustinera na pansamantala lamang ang kanyang paglaya at hindi nangangahulugang abswelto na siya sa kaso. Ang arraignment at pre-trial ay itinakda sa Marso 2, alas-10 ng umaga sa Parañaque Regional Trial Court Branch 294.
Samantala, sinabi ni Rafael Calinisan, Vice Chairperson at Executive Officer ng National Police Commission (NAPOLCOM), na siya at si Markus Lacanilao ng Land Transportation Office (LTO) ay magsasampa ng criminal complaints laban kay Mangusin sa Martes ng umaga sa Quezon City Hall.
Ani Calinisan, hindi personal ang kaso kundi para sa pagpapanatili ng katarungan at proteksyon sa publiko. “We are doing this not for ourselves, but as our contribution to the cause of Justice. Para wala nang mabiktima pa si Mangusin, para maitaguyod ang mga institusyon ng gobyerno, at para maipaglaban ang ordinaryong tao, we will step up and file the appropriate charges against him,” dagdag niya.













