Dumadagdag ang init sa usapin ng impeachment laban kay Sara Duterte matapos kumpirmahin ni Melvin Matibag na haharap siya sa pagdinig ng House Committee on Justice sa Abril 14.
Ayon kay Matibag, handa ang National Bureau of Investigation na ibigay ang lahat ng hinihinging dokumento, kabilang ang mga certified true copies ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa umano’y mga pagbabanta ni Duterte laban kina Ferdinand Marcos Jr., Liza Araneta-Marcos, at Martin Romualdez.
Batay sa naging findings ng NBI, inirekomenda nila sa Department of Justice ang pagsasampa ng kasong grave threats at inciting to sedition laban sa bise presidente.
Nagsimula ang naturang imbestigasyon noong panahon ng dating NBI chief na si Jaime Santiago bago ito ipinagpatuloy sa ilalim ng pamumuno ni Matibag.
Bukod sa NBI director, lima pang indibidwal ang ipinatawag ng komite upang tumestigo, kabilang si Michael Poa na bahagi ng legal team ni Duterte.













