Nanawagan si Senator Francis “Kiko” Pangilinan ng mas malaking subsidiya para sa mga magsasaka at mangingisda, kasabay ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado dulot ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Pangilinan, kinakailangang dagdagan ng pamahalaan ang tulong sa sektor ng agrikultura at pangingisda, kasabay ng agarang pagsuspinde ng excise tax sa mga produktong petrolyo upang mabawasan ang pasanin sa mga konsyumer.
Ipinaliwanag ng senador na kung masususpinde ang excise tax, maaaring bumaba ng humigit-kumulang P6 kada litro ang presyo ng diesel, P10 kada litro ang unleaded gasoline at liquefied petroleum gas (LPG), at P5 kada litro sa kerosene.
Samantala, ipinahayag din niya ang pagkadismaya sa P3,000 cash assistance para sa mga mangingisda mula sa P75 milyong pondo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA), na itinuturing niyang masyadong mababa at hindi angkop sa kasalukuyang sitwasyon.
Giit ng senador, kahit doblehin pa ang ayuda sa P6,000 hanggang P7,000, hindi pa rin ito sapat kung hindi bababaan ang presyo ng langis. Aniya, maaaring kunin ang karagdagang subsidiya mula sa P10 bilyong Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolks na nakapaloob sa General Appropriations Act ng 2026.
Kaugnay nito, nanawagan si Pangilinan sa BFAR na agad ilabas ang guidelines para maipamahagi na ang pondo sa mga benepisyaryo, kasunod ng ulat na ilang mangingisda ang nagbawas na ng araw ng pangingisda dahil sa mataas na gastos sa krudo.













