KORONADAL CITY – Dalawa ang nasawi habang isa ang nasa kritikal na kondisyon sa isang aksidente sa motorsiklo na naganap dakong alas-4 ng madaling araw ngayong Biyernes, Hulyo 19, sa Purok Ilang-Ilang, Barangay Saravia, lungsod ng Koronadal, South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSgt. Fely Bascon ng Koronadal City PNP Traffic Division, sinabi nitong wala pang lumalapit na kamag-anak upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan ng mga biktima.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, galing umano sa sentro ng Koronadal ang tatlo at nakipiyesta sa selebrasyon ng ika-26 T’nalak Festival at ika-59 Founding Anniversary ng South Cotabato.
Ayon kay Bascon, pauwi na sana ang mga ito patungong Tupi o Polomolok nang bigla umanong lumihis sa kanan ang sinasakyan nilang motorsiklo at nahulog sa kanal.
Natagpuan sa isa sa mga biktima ang isang ID na nakapangalan kay Marsid Kamir, residente ng Glamang, Polomolok, South Cotabato na siyang idineklarang dead on arrival sa South Cotabato Provincial Hospital.
Samantala, ang isa pang nasawi ay isang 19 anyos na si Alyas Noy na residente ng Brgy. Lunen, Tupi. Habang nasa kritikal na kondisyon ang kasamahan nilang menor de edad na si alyas “Toni”, 17 anyos, at residente ng Prk. Acacia, Brgy. Lunen.
Kasalukuyang nasa morgue ng South Cotabato Provincial Hospital ang dalawang nasawi, habang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa parehong ospital ang isa pang biktima na nasa kritikal na kondisyon.
Nasa kustodiya na sa ngayon ng mga otoridad ang motorsiklo ng mga biktima.