-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Malaking perwisyo ngayon ang nararanasan ng mga residente sa Barangay Sto. Niño (Bo. 2) at Barangay Namnama, Koronadal City matapos maantala ang konstruksyon ng kalsadang nagdudugtong sa dalawang lugar.

Ito ang inihayag ni Barangay Chairman Norberto Banaria sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal. Ayon sa kanya, ilang buwan nang hindi tinatrabaho ang proyekto, dahilan para magreklamo ang ilang mga residente dahil sa sunod-sunod na aksidenteng nangyayari sa lugar. Dahil dito, sumulat na siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) 2nd District Engineering Office upang iparating ang kanilang hinaing.

Sa tugon ng DPWH, ipinaliwanag ng ahensya na nahinto ang proyekto matapos pumanaw ang may-ari ng Pearl Construction and Supply, na siya ring nag-iisang proprietor ng kumpanya. Dahil dito, awtomatikong tinerminate ng DPWH ang kontrata, alinsunod sa umiiral na protocol.

Batay sa ulat, umabot lamang sa 15.69% ang natapos sa 415-metrong double lane road concreting project bago ito tuluyang huminto. May natitira pang mahigit ₱6 milyon mula sa kabuuang ₱9,749,405.90 na pondo, na gagamitin sa pagpapatuloy ng proyekto matapos maisagawa ang bagong bidding process.

Ayon pa sa DPWH, hindi na isinagawa ang imbestigasyon dahil awtomatikong winawakas ang kontrata kapag namatay ang sole proprietor ng isang contractor.

Samantala, una na ring inihayag ni Barangay Kapitan Joel Damo ng Barangay Namnama na wala umanong naging maayos na koordinasyon sa kanila bago sinimulan ang proyekto, hanggang sa tuluyan itong maantala.

Sa ngayon, hinihintay pa ng DPWH ang kumpletong dokumento bago muling masimulan ang proyekto na inaasahang magbibigay ginhawa at mas mabilis na biyahe sa mga residente ng dalawang barangay.