-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang sundalong nagmamaneho ng motorsiklo habang sugatan naman ang kanyang angkas matapos bumangga ang kanilang sinasakyan sa isang kalabaw na tumawid sa national highway sa bahagi ng Barangay Manuel Roxas, Sto. Niño, South Cotabato.

Lumabas sa imbestigasyon ng Sto. Niño Municipal Police Station, minamaneho ng biktimang si alias “Denice,” 27-anyos, miyembro ng Philippine Army at residente ng Barangay Poblacion, ang isang Honda Wave motorcycle patungong Barangay Poblacion mula Barangay Panay, nang biglang tumawid sa kalsada ang isang babaeng kalabaw sa bahagi ng Purok Crossing Roxas, pasado alas-12:00 ng madaling-araw nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025.

Dahil sa bilis ng pangyayari, hindi na nakaiwas ang sundalo at bumangga sa hayop, dahilan ng kanyang malubhang pagkakasugat.

Agad na dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician.

Sugatan naman ang angkas nitong si alias “John,” 28-anyos, isang mekaniko at residente rin ng nasabing barangay.

Sa ngayon, nasa kustodiya ngayon ng Sto. Niño Police Station ang motorsiklo para sa beripikasyon at dokumentasyon, habang inaalam ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng may-ari ng kalabaw.

Kaugnay nito, nagpaalala naman ang mga otoridad sa mga may-ari ng hayop na iwasang ilagay sa gilid ng national highway, gayundin sa mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho.