KORONADAL CITY – Nananawagan ngayon ang isang empleyado matapos mawala ang kanyang motorsiklo sa parking area ng KCC Mall sa Koronadal kamakailan.
Ayon sa salaysay ng biktima, pasado alas-10 ng umaga, Agosto 28, ipinarada niya ang kanyang motorsiklo sa parkingan na nakalaan para sa mga empleyado bago pumasok sa trabaho. Ngunit, nang mag-check out siya bandang alas-9 ng gabi, laking gulat niya nang makita na helmet at jacket na lamang ang naiwan at maayos pang isinabit sa gilid ng pader malapit sa kanyang paradahan.
Agad nilang nilibot ang buong paligid upang hanapin ang naturang motorsiklo, subalit bigo silang matagpuan ito. Maging ang Traffic Management Office ay sinuri kung nagkaroon ng operasyon sa lugar, ngunit wala silang aktibidad na isinagawa doon.
Dahil dito, nagtungo na ang may-ari sa pulisya upang magsampa ng blotter report.
Sa ngayon, umaapela ang biktima sa sinumang nakakita o posibleng kumuha ng kanyang motorsiklo na ibalik ito, dahil mahalaga umano ito sa kanyang hanapbuhay.