-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril na ikinasawi ng isang Mister sa Sitio Paraiso, Barangay Guinsang-an, Sto. Niño, South Cotabato, pasado alas-8 kaninang umaga nitong Huwebes, Oktubre 9, 2025.

Kinilala ang biktima na si Francisco “Iko” Suderio, 40-anyos, residente ng nasabing barangay.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga otoridad, dalawang lalaki ang nakita sa labas ng compound ng mga Suderio sakay ng isang Bajaj na motorsiklo bago pa man nangyari ang krimen.

Naka-itim ang mga kasuotan ng mga ito, nakatakip ang mukha, at may suot na sombrero.

Lumapit umano ang mga suspek sa compound kung saan naroon ang biktima at agad itong binaril sa ulo, dahilan ng kanyang agarang pagkasawi.

Ayon sa kaanak ng biktma, ilang araw pa lamang mula nang umalis patungong Amerika ang asawa nito.

Sa ngayon, tinututukan na ng pulisya ang posibleng motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Inaalam din kung mayroong natanggap na death threat ang biktima bago ang insidente.