KORONADAL CITY – Patuloy ang panawagan ng tulong ng pamilya ng 71-anyos na si Ginang Felly Claud, residente ng Brgy. Mambucal, Koronadal City, matapos siyang matagpuan na pagod, gutom, at mag-isa sa isang waiting shed sa Davao City.
Natuklasan si Ginang Felly sa waiting shed ng Pepsi Cola Plant sa tapat ng Brgy. Dumoy, Davao City, kung saan napansin siya ng mga bystander na tila naliligaw at hindi na alam ang direksyon. Nakita rin siyang nakaupo sa gilid ng highway, halatang nanghihina.
Agad siyang tinulungan ng mga nakakita, sinuri ang kanyang vital signs at blood pressure, at binigyan ng pagkain at tubig matapos magreklamo ng gutom at antok.
Ayon sa apo niyang si Aprilyn Eniego, umalis si Ginang Felly sa Mambucal noong Disyembre 5 matapos magpaalam na dadalaw lamang sa Doña Lourdes kung saan naroon ang anak nito. Ngunit hindi na siya nakauwi at tuluyang nawalan ng komunikasyon ang pamilya.
Kaya naman nananawagan ang pamilya at ang Dumoy Assistance Rescue Volunteers (DARVO) sa sinumang nakakakilala o may impormasyon tungkol sa kanya.
Sa ngayon, hindi pa nahahanap si Lola at nananawagan ang pamilya ng tulong sa sinumang nakakita sa kanya na ihatid sa pinakamalapit na police station o makipag-ugnayan sa pamilya nito o sa Bombo Radyo.













