Nagkasagupa ang tropa ng 57th Infantry “Masikap” Battalion at mga hinihinalang kasapi ng Communist Terrorist Group o CTG sa Sitio Kinawan, Barangay Kitudak, Lebak, Sultan Kudarat, nitong Setyembre 26.
Ayon kay Lt. Col. Aeron T. Gumabao, Commanding Officer ng 57IB, nagsimula ang palitan ng putok dakong alas-8:30 ng umaga matapos makatanggap ng impormasyon mula sa mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde sa lugar.
Sa clearing operation, nasamsam ng militar ang isang M16 rifle, isang granada, isang Baofeng commercial radio, mga subersibong dokumento, iba’t ibang personal na gamit at suplay ng pagkain.
Giit ni Brigadier General Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry Brigade, unti-unti nang nauubos ang mga galawan ng mga komunistang terorista sa rehiyon. Aniya, paiigtingin pa ng militar ang operasyon upang tuluyan nang wakasan ang banta ng karahasan at maibalik ang kapayapaan sa mga apektadong lugar.
Samantala, muling nanawagan si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, sa mga natitirang kasapi ng CTG na magbalik-loob na sa pamahalaan at yakapin ang kapayapaan.
Dagdag pa niya, bukas ang gobyerno na tulungan silang makapagsimula muli at mamuhay nang matiwasay kasama ang kanilang pamilya.
Patuloy namang nagpapatrolya at nagsasagawa ng operasyon ang Joint Task Force Central at 6th Infantry Division upang tiyakin ang kaligtasan ng mga komunidad laban sa banta ng terorismo.













