Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa pamamaril sa loob ng Dansalan Elementary School sa Barangay Panadtaban, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur, kung saan nasawi umano ang isang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Kinumpirma ni Police Captain Guisepe Tamayo, tagapagsalita ng Maguindanao del Sur Police Provincial Office, na sinisiyasat pa nila kung ang nasawing biktima ay si Kumander Buntok Utap ng 106th Base Command ng MILF.
Bukod sa nasawi, sugatan din ang isa pang lalaking kasama ng biktima, habang isang babae ang tinamaan ng ligaw na bala.
Ayon kay Capt. Tamayo, patuloy pa rin ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga salarin at motibo ng krimen.
May mga narekober na ebidensya sa crime scene tulad ng mga basyo ng bala at iba pang materyales na kasalukuyang sinusuri ng mga imbestigador.
Dagdag pa niya, inaalam na rin kung may mga CCTV camera sa lugar na maaaring nakakuha ng footage ng insidente.
Matatandang noong nakaraang araw dumalo si Kumander Utap sa isang rido settlement o pag-aayos ng alitan sa pagitan nila at ni Barangay Chairman Norudin Utto ng Panadtaban.
Ang kasunduan ay isinagawa sa kampo ng 33rd Infantry Battalion sa ilalim ng pangangasiwa ng 601st Infantry Brigade, 33rd IB, at lokal na pamahalaan ng Rajah Buayan.