Inamin ni dating Anakalusugan Rep. Mike Defensor na nagbigay siya ng tulong sa 18 dating miyembro ng Marines at Navy na iniuugnay bilang umano’y mga “bagman” o tagapagdala ng pera para kay dating Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co.
Ayon kay Defensor, nagpasya siyang umalalay matapos niyang mabatid ang umano’y planong ilantad ang mas marami pang dating sundalo, kasunod ng naging testimonya ni Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Kabilang sa suportang ibinigay niya ang pagpahiram ng sasakyan at pagtulong sa pagsasagawa ng press conference ng grupo noong Pebrero 24, 2026. Iginiit ng dating mambabatas na layunin lamang niyang mabigyang-linaw ang mga paratang ng katiwalian at masiguro ang seguridad ng mga dating sundalo at kanilang mga pamilya.
Binigyang-diin pa niya na wala umanong masamang intensyon ang mga ito at handa silang panagutan ang kanilang mga pahayag. Nilinaw rin ni Defensor na wala siyang partisipasyon sa paghahanda ng affidavit ng mga nag-akusa.
Dagdag pa niya, posible umanong umabot sa 90 indibidwal — kabilang ang mga aktibo at retiradong sundalo pati ilang dating opisyal — ang maaaring lumantad at magsalita kaugnay ng kontrobersiya.
Sa gitna nito, pinabulaanan ni Defensor ang mga alegasyong bahagi umano ito ng destabilization plot laban sa administrasyon. Nauna nang nagpahayag ang Malacañang na may posibilidad na may mga grupong nagtatangkang patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng nasabing isyu.













