Shariff Aguak, Maguindanao del Sur – Kinumpirma ng Philippine Army na walang kinabibilangang armadong grupo ang mga suspek na sangkot sa ambush sa convoy ni Shariff Aguak Mayor Akmad Mitra Ampatuan Sr.
Ito ang pahayag ni Lt. Col. Ronald Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Suscano, hindi miyembro ng alinmang armed group ang mga suspek at posibleng itinuturing lamang silang armed lawless elements na nag-ooperate sa nasabing lugar.
Dagdag pa ni Suscano, kabilang sa mga napatay na suspek ang gumamit ng RPG-7 na pinaputok sa sasakyan ng alkalde, at ang nasabing armas ay nakumpiska na ng mga awtoridad.
Tiniyak din ng opisyal na kontrolado na ang sitwasyon sa Shariff Aguak at patuloy ang mahigpit na monitoring ng mga puwersa ng pamahalaan sa lugar.
Samantala, patuloy namang nagpapagaling sa ospital ang mga nasugatang escort ng alkalde, na inaasahang makakalabas na rin dahil hindi naman malubha ang kanilang mga tinamong sugat.
Muling iginiit ni Suscano sa publiko na walang dapat ikabahala dahil nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng mga awtoridad ang seguridad sa Maguindanao del Sur.













