KORONADAL CITY – Direktang itinuro ng 22-anyos na si alyas Aron, residente ng Purok San Lorenzo, Barangay Apopong, General Santos City, sina alyas Oblong at alyas Inday (lalaki) bilang mga sangkot sa pagpatay sa 21-anyos na Miyuki Kim, ang graduating college student, noong gabi ng Disyembre 7, 2025.
Ayon sa salaysay ni alyas Aron, bandang alas-9 ng gabi ay nakasalubong niya sina Oblong at Inday na naglakad at nag-anyaya sa kanya na sumama dahil may balak silang gawin.
Pagdating sa bahay ni Miyuki, iniwan siya sa tabi ng STL outlet na nasa loob ng compound ng dalaga, habang pumasok sina Oblong at Inday para hanapin ang salapi.
Base din sa nakita ni alyas Aron, pinatay umano si Miyuki matapos niyang sabihin kay Oblong na isusumbong niya ang insidente sa kanyang ina.
Pagkatapos ng krimen, pinatay ni Inday ang kuryente at sumakay sa traysikad habang dugoan si Oblong.
Ayon sa kapulisan, sina Inday at Oblong ang naatasang maghatid ng pagkain sa anak ng ina ni Miyuki, base sa pahayag ni alyas Aron.
Nasakote naman si Alyas Aaron ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) XII sa isang buy-bust operation sa Barangay Calumpang, GenSan, kung saan ibinahagi niya ang kanyang nalalaman tungkol sa pagkamatay ni Miyuki.
Samantala, mahigpit na itinanggi ni Alyas Oblong ang mga akusasyon laban sa kanya ni Alyas Aron.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa kaso habang tiniyak nilang may hawak silang ebedensiya na makapagpapatunay sa mga sangkot sa krimen.













