-- ADVERTISEMENT --

Nasunog ang tatlong silid-aralan ng Tagadtal Integrated School sa Barangay Colube, Palimbang, Sultan Kudarat at umabot naman sa 160 estudyante ang nawalan ng silid-aralan.

Ito ay kinumpirma ni Mayor Joenime Kapina ng Palimbang, Sultan Kudarat sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.  

Ayon sa imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa isang stock room kung saan nakalagay ang mga kagamitan ng paaralan.  

Ayon kay Mayor Kapina, natagalan pang pagresponde dahil sa layo ng paaralan mula sa bayan.

Maswerte namang walang estudyanteng nadamay sa nangyaring sunog.

Sa karagdagan, sinuspinde naman ang klase sa elementarya ngayong araw upang mabigyan ng pagkakataon ang LGU at BFP na suriin at alamin ang pinagmulan ng sunog.  

Nagbigay rin ng paunang tulong ang LGU Palimbang sa nasabing paaralan.

Umaasa naman si Mayor Kapina na maaaprubahan ang hiling na emergency fund na kailangang pahintulutan ng Comelec, dahil ito ay sakop ng election ban. Kung hindi ito papayagan, hihintayin na lamang nila ang pagtatapos ng eleksyon upang maisaayos ang mga nasunog na silid-aralan.  

Sa ngayon, inihahanda pa ng LGU ang gymnasium upang magamit ito bilang pansamantalang silid-aralan ng mga estudyante.