-- ADVERTISEMENT --

Kinondena ng ilang senador ang naganap na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City kung saan apat ka estudyante ang nasawi at 15 ang nasugatan. Muling nabuksan ang usapin tungkol sa kaligtasan sa mga paaralan at tumataas na insidente ng karahasan sa kabataan.

Ayon kay Sherwin Gatchalian, “nakababahala” ang insidente at dapat matiyak ang mabilis na hustisya. Nanawagan din siya sa Department of Education na magbigay ng psychosocial support at higpitan ang seguridad sa mga paaralan.

Giit naman ni Bam Aquino, dapat manatiling ligtas ang mga paaralan, at isinusulong sa Kongreso ang School Safety Act para palakasin ang proteksyon laban sa bullying at karahasan.

Mariing kinondena rin ni Kiko Pangilinan ang insidente at iginiit ang mahigpit na pagpapatupad ng Juvenile Justice and Welfare Law, lalo na kung menor de edad ang mga suspek.

Nagpahayag ng pakikiramay si Bong Go at nanawagan ng masusing imbestigasyon kung paano nakapasok ang mga baril sa paaralan. Aniya, hindi dapat nalalagay sa panganib ang mga estudyante sa loob ng eskwelahan.

Samantala, sinabi ni Camille Villar na dapat palakasin ang school safety at mental health support para sa mga mag-aaral, habang iginiit naman ni Mark Villar ang agarang hustisya at counseling para sa mga apektado.

Sa kabuuan, nagkakaisa ang mga opisyal sa panawagang palakasin ang seguridad sa mga paaralan at tugunan ang epekto ng trahedya sa mga mag-aaral at komunidad.