KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng karambola ng tatlong sasakyan na naganap sa boundary ng Tacurong City at Barangay Magon, Tantangan, South Cotabato kaninang tanghali kung saan sa lakas ng impact nasunog ang isang motorsiklo.
Batay sa inisyal na ulat ng Tantangan Municipal Police Station, nagbanggaan ang isang Innova, at motorsiklo sa bahagi ng kurbada ng national highway.
Ayon sa mga saksi, nangunguna umano ang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki mula Koronadal City, at sinasabing nag-overtake ito sa isang trak na bumabagtas patungong Tacurong.
Ngunit sa hindi pa matukoy na dahilan, sumalubong din sa kabilang linya ang SUV, dahilan upang magsalpukan ang tatlong sasakyan.
Tatlo ang naiulat na nasugatan, kabilang ang driver ng motorsiklo na nagtamo ng malubhang head injury at agad na isinugod sa isang ospital sa Tacurong City.
Sugatan din ang dalawang sakay ng SUV na nagtamo ng minor injuries.
Dahil sa insidente, nagdulot ito ng matinding trapiko sa lugar, habang agad na rumesponde ang mga tauhan ng Tantangan Police at MDRRMO upang dalhin sa ospital ang mga biktima at alisin sa kalsada ang mga sangkot na sasakyan.
Sa ngayon, tinitingnan ng mga imbestigador kung reckless driving o overspeeding ang dahilan ng aksidente at kung may pagkukulang ang alinman sa mga driver.












