-- ADVERTISEMENT --

Sa mismong unang araw ng pagdinig, pormal nang naglabas ng subpoena ang House Committee on Justice upang ipatawag at ipasumite ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, pati na rin ang mga rekord ng imbestigasyon kaugnay sa umano’y banta sa buhay ng Unang Pamilya.

Sa botong 34 pabor, 1 tutol, at walang abstention, pinagtibay ng komite ang mosyon ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairperson at Manila Third District Rep. Joel Chua.

Layunin ng mosyon na mag-isyu ng subpoena duces tecum sa Office of the Ombudsman, na siyang opisyal na nag-iingat ng mga nasabing dokumento.

Saklaw ng subpoena ang mga SALN ni Duterte noong siya ay alkalde ng Davao City mula 2007 hanggang 2013 at 2016 hanggang 2022, pati na rin ang kanyang kasalukuyang SALN bilang bise presidente mula 2022 hanggang 2025.

Isinagawa ang hakbang na ito habang nagpapatuloy ang pagdinig ng komite upang tukuyin kung mayroong probable cause sa kinakaharap na impeachment complaint ni VP Duterte.

Bukod sa kayamanan ng bise presidente, inaprubahan din ng komite sa pamamagitan ng voice vote ang pagpapalabas ng hiwalay na subpoena duces tecum sa National Bureau of Investigation (NBI).

Inaatasan ng mga mambabatas ang NBI na ilabas ang lahat ng rekord ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa viral na video kung saan napanood at narinig si Duterte na nagbitiw ng death threat laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.